Ang sabi sa mga Awit 90:10, ang karaniwang buhay daw ng tao ay pitumpu o walumpu kung malakas. Kung ang edad mo ay dalawampu't tatlo hanggang apatnapu, nasa kalagitnaan ka na ng karaniwang buhay ng tao at ang mga panahong ito ay panahon ng pagiging kabataang may sapat na gulang. Ano nga ba ang pinagkakaabalahan ng mga tao sa ganitong edad at bakit hindi natin sila karaniwang nakikita na may ministry sa simbahan? Paano natin dapat ubusin ang oras natin sa mga ganitong panahon?
Ang panahon ng pagiging kabataan ay panahon ng pag-aaral at panimula ng mga iba't ibang pagbabago sa buhay. Nariyan ang panahon ng "Puberty" o pagbibinata at pagdadalaga. Panahon ng pag-aaral mula mataas na paaralan hanggang sa pagtungtong sa Pamantasan upang kumuha ng karera. Ito ang panahon na inihahanda natin ang ating sarili para sa totoong buhay. Naglalatag ng pundasyon para sa itatayong bahay. Sa mga panahong ito karaniwan tayong kumikilala sa kapaligiran at sa mundong ating ginagalawan at ang ating kaisipan ay hinahasa sa mga katotohanan na ating naririnig o nilalason ng mga kasinungalingang ating niyayakap. Ang ating pagtanaw sa buhay ay ating inaayos hanggang sa masumpungan nito ang nais nitong puntahan. Kasiyahan ang pinipili ng iba at ang iba ay ang mahirap na daan. Naalala ko bigla yung sinabi ni Bob Ong sa MacArthur, "Dalawang dekada ka lang mag-aaral. Kung hindi mo pagtitiyagaan, anak, limang dekada ng kahirapan ang kapalit." [Bob Ong (2007, April). Mac Arthur. Pasay City: Visual Print Enterprises, p. 86]
Matapos ang panahon ng kabataan, totoong buhay na. May sariling pananaw sa buhay, patutunguhan, paniniwala, at kinahihiligan. Matigas na ang buto nito. Tapos na ang panahon ng pamalo at paggabay ng magulang dahil may sarili ka nang isip at pinagkakakitaan. Ikaw na ang nagmamaneho ng daan at mayroon ka nang pupuntahan. Panahon ng pag-aasawa at lalagay ng mga poste sa ibabaw ng pundasyon na iyong nilatag. Ginagawa na ang gusali kung saan ka makikita ng mga tao. Abala sa paggawa para maging maayos ang gusali at hindi mapulaan ng sinumang makakita. Para hindi mahuli sa pagtatayo.
Ang sabi nga ni Walter Pitkin, "Life Begins at Forty." Sa mga ganitong panahon, tapos na ang itinatayong buhay at sa isang direksyon ka na lang tumutungo. Natapos na ang paghahanda at kinaaaliwan na lang ang buhay.
Ang Panginoong Jesus nung nagsimulang mangaral ay nasa panahon ng pagiging kabataang may sapat na gulang (Lukas 3:23). Sa panahon na ang ibang ka-edad nya ay abala sa patatayo ng maayos na buhay, ang Panginoong Jesus ay abala sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Ang ibang ka-edaran nya ay abala sa kamunduhan, sya naman ay abala sa mga bagay na patungkol sa Espiritu. Alam nya ang dapat unahin. Alam nya ang kanyang katapusan. Pinili nya ang dapat unahin. Inisip nya ang iba at hindi ang kanyang sarili.
Ano nga ba ang dapat pangunahin sa buhay? Saan ka ba papunta? Kung ang Panginoong Jesus ang iyong sinusundan sa paglalakad, alam mo kung ano ang sagot dito.
Sabi sa talinhaga ng Panginoong Jesus, kapag nakita mo sa isang lupain ang isang kayamanan, lahat ng kayamanan mo ay iyong ipagbibili upang bilhin ang lupa kung saan naroon ang mas malaking kayamanan. Upang makuha ang mas malaking kayamanan, handa kang talikuran kung ano ang mayroon ka sa ngayon. Ganyang ang katulad ng Kaharian ng Diyos.
Bilang kabataang may sapat na gulang at kumikilala sa Diyos, saan tayo dapat abala? Sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa ating buhay. Alalahanin natin ang Diyos sa panahong mayroon tayong kakayanan at lakas. Hindi natin alam kung hanggang saan tayo aabutan ng pagdating ng magnanakaw. Nakakatakot abutan ng Panginoon na hindi Nya kalooban ang ating ginagawa.