Sa loob ng van, sa bandang likod kung saan nakaupong magkakaharap ang mga pasahero, may matandang masalita bagamat walang kausap.
"Palagi nang traffic dito kapag hapon, ginagawa itong tollgate eh. Taga riyan lang ako sa St. Michael at palagi ako rito kaya napansin kong traffic na rito nung ginawa iyan. Taga riyan lang ako eh. Dyan lang, sa likod lang ng building na iyan. Traffic na talaga rito. Dami na rin siguro kasing tao rito. Matagal na kaming nakatira rito eh. Dyan sa St. Michael lang."
Natigil sya sa pagsasalita nang magtanong ang kulektor ng bayad. "Meron pong Bocaue?" Tahimik ang lahat. Inulit ng kulektor ang tanong. "Meron pong bababa sa Bocaue?" Hinihintay nya ang sagot ng mga tao ngunit walang tumutugon.
"Wala sigurong Bocaue, walang sumasagot eh. Wala sigurong Bocaue." Sabi ng masalitang matandang babae.
Sa huling pagkakataon, nagtanong ulit ang kulekto, "Walang Bocaue? Walang Bocaue?" Paniniguro ng mama.
"Wala sigurong Bocaue ano? Walang Bocaue? Walang sumasagot eh." Anang matanda.
Hindi ko na napigil ang aking sarili sa mga paulit-ulit na naririnig ko. Pumutok na ako. Mula sa pagkakapikit, dinilat ko ang mga mata at seryosong binitawan ko ang mga salitang ito sa matandang babae: "Meron pong Bocaue. Nandun po." Sabay turo sa hilaga.
"Ha? Meron? Walang sumasagot eh. Saan?"
"Doon po."
Sinulyapan ako ng babaeng nasa harap ko. Seryoso.
Pinakiramdaman ko ang mga tao sa paligid. Tahimik ang lahat.
Ang matandang ale ay bahagyang nag-isip pero ibinulalas pa rin na, "Wala naman. Walang sumasagot eh."
Tahimik at seryoso ang lahat. Parang gusto kong isigaw na, "JOKE PO IYON!! NGAYON NA ANG PANAHON NA TATAWA KAYO!!!"
Ngunit matapos magmasid ng aking paningin, walang tumawa. Sa tingin ko "Ang biro ay nasa akin."
Pumikit na lang ako para di ko na madama ang "Biro" na nasa akin.
Tahimik ang lahat.
Tahimik.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento