Naging bata ako sa panahon na Radyo at Telebisyon ang pangunahing aliwan ng tao sa loob ng bahay. Hindi ko nakagawiang magbasa ng libro upang aliwin ang sarili at kumuha ng karunungan. Komiks na siguro ang pinakamalapit dito na binabasa ko. Yung unang Nobela na nabasa ko ay dahil kailangan sa paaralan - Noli Me Tangere ni Gat Jose Rizal. Alam nyo na kung paano at bakit ko binasa yun.
Humahanga ako sa manunulat dahil sa aliw, mensahe o laman, paraan ng pagsulat, at pagiging iba ng konsepto. Hindi ko na sinama rito yung mga hinahangaan kong matatalinong tao na sumulat ng patungkol sa Agham o Matematika. Hindi ko na rin sinama yung May-akda ng pinakadakilang libro sa lahat ng kasaysayan, sa kasalukuyan o sa hinaharap na patungkol sa buhay at kamatayan dahil hindi ko yun ginagamit upang magpalipas oras.
Simulan na natin:
Stephen King - Ang kauna-unahang manunulat na hinangaan ko. Hindi pa ako nakakapagbasa o nakakatapos ng isang nobela nya pero hindi ko rin makakalimutan ang napanood kong Pelikula na sya ang sumulat - "The Langoliers." Sabi ko naman sa inyo hindi ako mahilig magbasa ngunit marunong akong humanga sa sinumang may sulat ng napanood ko. Bata pa ako nung mapanood ko ito pero hindi buo. Pero nakita ko yung kalidad at pagiging kakaiba ng konsepto mula sa ibang pelikula na napanoon ko. Hindi ko malilimutan yun kaya't kapag Stephen King ang Pelikula, gusto ko panoorin dahil alam kong napakaganda. Napabili pa nga ako ng "Fire Starter" nya dahil alam ko na magaling sya magsulat. Yun nga lang hindi ko natapos. Bagal ko rin kasing magbasa. Unang kabanata lang nabasa ko hinanap ko yung mga binitawang linya ng Driver sa mag-ama sa pelikula pero napatunayan ko na may ibang paraan pala ng panulat ang mga manunulat pangpelikula. Nawawala yung mga ibang sangkap kapag ginawa nang pelikula.
Rod Serling - Narinig nyo na ba yung pangalan nya? Isang manunulat pang telebisyon kaya't yung mga sinusulat nya ay hindi na-ma-murder. Kung ano gusto nyang ipahayag at ipakita, yun yung naipapalabas. Sabi ko naman sa inyo hindi ako mahilig magbasa kaya't yung mga unang manunulat na hinangaan ko ay dahil sa panonood. Bata pa rin ako ng una kong mapanood ko at humanga ako sa mga konsepto ng "Twilight Zone." Hindi ko maalala kung anong una kong napanood pero nung nauso ang youtube hinanap ko agad yung mga napanood ko na hindi ko malilimutan katulad ng "The Rip Van Winkle Caper" at "Will the Real Martian Please Stand Up." Ang ganda ng twist na hindi inaasahan. Yung paraan nya kung paano simulan at tapusin yung mga kwento napakaganda.
Marshall Bruce Mathers III - Siguro hindi nyo inaasahan na makikita sa list ang pangalan nya - si Eminem. Nakilala ko si Eminem nung third year high school ako. Kinwento ng crush ko sa akin yung kanta nyang "Stan" at na-curious ako kaya't pinakinggan ko. Ang tindi pala nun. Kunwari nagsusulat si Stan kay Slim at sa huli yung reply ni Slim. Nakapag-kwento sya sa pamamagitan ng sulatan at sa pamamagitan ng Rap! Tindi. Dahil dun pinakinggang ko ang iba nyang isinulat at lalo akong humanga sa pagsulat nya. Halimbawa sa "The Way I Am" may linya sya run na: "When a dudes getting bullied and shoots up his school and they blame it on Marilyn (Manson)... and the Heroin where were the parents at?" May sense diba? Maganda ang musicality at beat maganda rin yung laman. Itapon na lang ang masama sa iba at kunin ang mabuti.
Dr. Juan M. Flavier - Nakapagbasa na ba kayo ng akda nya? Nung College pa ako, kinailangan ko ng akda sa dyaryo tungkol sa English Language. Hindi ako makahanap sa mga Junk Shop. Dahil dun bumuli kami ng dyaryo araw araw. Minsan naghahanap ako at nagbabasa, nakita ko yung Column ni Flavier na may titulong "Barrio Breeze." Maiksi lang yun. Parable. Madalas mga magsasaka yung mga tauhan at sa bandang huli may aral. Nakakatawa rin ang bawat kwento kaya't nung nagkapera ako, bumili ako ng libro nyang "Doctor to the Barrio." Medyo na dismaya ako nung hindi ko makita yung mga "Parable" na hinahanap ko. Nasa libro pala nyang "Parables of the Barrio." Pero nung basahin ko yung "Doctor to the Barrio," ibang klase. Daming karunungang mababasa. Nakakatuwa pa yung paraan nya ng pagsulat. Dahil dun binili ko na lahat ng libro na sya ang may-akda: "My Friends in the Barrio" at "Back to the Barrio." Sa mga libro nyang iyan bigla kong naranasan ang buhay probinsya at buhay magsasaka na gusto ko ring maranasan. Sabi nga ng ilan kong kaibigan lumang tao raw ako. Kulang pa mga libro nya sa kuleksyon ko. Wala pa yung ibang Volume ng "Parables of the Barrio" ko. Tinanong ko yung publisher ng unang "Parables of the Barrio," sabi nila hindi na raw sila ang publisher ng mga sumunod na libro at hindi na raw nila alam kung sino.
Bob Ong - Ito kilala na ng marami. Libro nya ang unang non-fiction na natapos kong basahin. Yung "ABNKKBSNPLAko?!" na pinakilala sa akin ng isang barkada ko nung College. Na-enjoy ko ang pagbabasa na parang kinakausap ako. Malaki ang impluwensya nya sa akin. Naging miyembro pa ako ng bobongpinoy group sa yahoo dati. Ito pa, napili pa akong bigyan ng "Stainless Longanisa" nung minsang nagpamigay sya nito sa mga kasapi na magre-repost ng akda nila. Pinost ko ulit dito yung Article na yun na may titulong "Repost: Ano Magagawa ng Musika." Nung mabasa ko yung green book gusto ko nang magturo. Nung mabasa ko yung white book mas tumaas yung pagnanais kong sumulat. Sa paraan rin yata nya ng pagsulat ako nahawa. Salamat Bob Ong.
Cesar "Saro" Bañares Jr - Hindi ko alam kung kilala nyo sya pero sigurado akong may alam kang isinulat nya. Sya ang sumulat ng Koro ng "The APL Song" ng "The Black Eyed Peas." Isa sya sa miyembro ng Asin at sumulat din ng marami sa mga kanta ng grupo. Ang kanyang mga sulat ay tula na nilagyan ng musika na napakaganda. Hindi basta basta ang mga bato ng mga linya. Napakaganda. Bata pa ako naririnig ko na ang mga sinulat nya at gandang ganda ako. Pero hindi ko alam na marami sa mga magagandang kanta na narinig ko nung bata pa ako ay sinulat nya. "Ang Bayan kong Sinilangan," "Balita," "Magnanakaw," at "Itanong mo sa mga Bata." Nung bumili ako ng CD nila nung magkapera ako, narinig ko rin yung "Sa Malayong Silangan" na napakagandang tula.
St. Agustine of Hippo - Hindi nyo siguro inaasahan na mapabilang sya sa listahan na ito pero napagaling nyang magsulat. Matagal ko nang naririnig ang pangalan nya lalo na nung lumabas yung isang paaralan na ipinangalan sa kanya. Nung inatasan akong magturo ng Kasaysayan ng Simbahan, isa sya sa mga kinailangan kong kilalanin para maibahagi sa mga estudyante. Sa paghahanap ko ng tungkol sa kanya, nakasalubong ko yung "Confessiones" na autobiography nya. Nung nakabili ako ng libro nito at basahin ang mga salita, medyo naguluhan ako kung bakit ganun. Nagbasa-basa pa ako ng background nito at nalaman ko ang tamang pagtingin sa pagbabasa nito. Yun pala yun kaya "Confession" hindi sa tao kundi para sa Diyos. Napakaganda ng kanyang libro para sa Diyos.
Sir Arthur Conan Doyle - Matagal nang patay ang manunulat na ito at matagal ko nang kilala pero nito ko lang hinangaan nang matutunan kong makinig ng Audiobook. Nalaman ko kung gaano kaganda ang kwento at paraan nya ng pagsulat. Napakaganda. Dahil dun bumili ako ng libro nya at mas naintindihan ko yung audiobook habang sinusundan ng pagbasa.
Yan ang mga manunulat na hinahangaan ko sa kasalukuyan. Kung mapapansin nyo mas maraming banyaga kaysa sa Pilipino at dalawa lang sa kanila ang nakasulat sa katutubong wika.
Hindi ko alam pero alam kong maganda rin yung sulat nila Amado V. Hernandez, Alejandro G. Abadilla, Rogelio Sikat, Efren Abueg, Dominador Mirasol, Francisco Balagtas Baltazar at Dr. Jose Rizal pero hindi ganun yung pagtingin ko sa kanila katulad ng mga tao sa taas. Siguro kasi nakilala ko lang sila dahil kinailangan ko lang basahin yung mga aksa nila sa dikta ng paaralan at hindi dahil sa nagustuhan ko mga sulat nila. Pero sila nagpakilala sa akin ng Panitikang Pilipino at naging dahilan kung bakit ko pinangarap minsan na magkaroon ng Palanca Award at gumawa ng sariling kwento upang pag-aralan ng mga susunod na mag-aaral.
Alam kong marami pang magagaling na manunulat sa kanila pero sila lang ang nasalubong ko, nagustuhan ko at hinangaan. Depende rin kasi sa hilig, impluwensya at sa nagpapasaya sa tao yung mga hinahangaan nila. Maaaring hinangaan mo pero hindi ko hinangaan o hangaan ko pero hindi mo hinangaan.
Sila ang mga hinahangaan kong manunulat, sino ang sayo?