Mga Pahina

Biyernes, Disyembre 19, 2014

Epic Fail 1

Normal sa tao ang magkamali dahil sa limitadong kaalaman at kakayahan mayroon ang bawat isa. Minsan naman, dahil sa iba't ibang kaganapan o pagkakataon, naiiba ang mga katotohanang nakatanim sa ating isipan na alam na alam nating totoo. Ito at iba pa ang nagiging limitasyon ng tao kaya nagkakamali ng husga sa mga bagay bagay.

Minsan, isang patay na hapon, abala sa pakikipag-usap ang pinsan ko sa kanyang kapatid na nasa probinsya. Tumipa ako ng kaunti sa guitara. Matagal ko na palang 'di ito natitipa kaya nawawala na ako. Napaka-ganda. Pinagmalaki ko ito sa pinsan ko. Sabi ko, nakaka-in-love ang kanta lalo na ang original.

"Talaga po... waw!" sabi ng pinsan ko habang nakasalampak sa sofa at patuloy ang pag-ti-text.

"Ito ang original." Sabay hanap sa Youtube ng Shrek Theme Song. Ayun, "It Is You". Play!

"Waw... ang ganda nga po ng kanta..." Habang patuloy pa rin ang pagti-text. Tuktuktuktuk.

"Teka, bakit walang lyrics. Mali mali mali... teka lang nandito lang yun eh." Sabi ko sa kanya. Ayun, may nakita ulit ako. Play. Loading...

"Pero maganda po...". Itinuon nya ang kanyang mukha sa makapangyarihang cellphone na may youtube upang abangan ang nag-lo-loading na video.

"Ayun..." play! Maya maya, "teka, iba boses ah.. ang gara, hindi yan yung orig. Kaya pala, 'Cover lang'" hanap hanap ulit sa Youtube.

"Ang galing ng boses..." ang sabi nya habang hinintay ang kanta.

"Oo, pero 'di pa iyan ang original." Ang tindi, puro Cover nakikita ko. Wala na bang yung kay Dana Glover?

Ayun. Shrek Theme Song. It is you. Play. Binaba ko ulit ang makapangyarihang cellphone na may youtube para ipakita sa kanya. Itinuon naman nya ang kanyang mukha sa video.

Talaga nga naman. Puro tugtog lang at yung lyrics nasa video lang. Videoke pala. Itinuloy nya na ang pag-ti-text at pagsalampak sa sofa. Wala wala... mukhang napapanis na ang napakagandang kanta na ipinagmamalaki ko sa kanya. Hanap hanap hanap, ngunit walang tagumpay sa Youtube. Puro Cover at minus 1. Text na sya ng text. Ngunit hindi ako susuko. Mp3 na lang hinanap ko, matuloy lang. Hahahaha. Natatawa na lang ako eh.

Epic Fail. Ginagawa na lang nating katatawanan ang mga pagkakamaling hindi nakakatawa dahil wala tayong mapapala kundi tanggapin ang mga ito sa halip na balik balikan ngunit hindi mapapalitan ang mga nagdaan.

Kung tutuusin, hindi naman malubha yun. Pero, dangal ko ang nakataya. Hahaha. Wala akong magagawa kundi ang tumawa. Yun na lang siguro ang pinakamainam na gawin sa halip na umiyak at magmukmok. Gamot ang tawa, sakit ang luha. Pagkatapos kong tumawa, ngayon alam ko na. Mahirap hanapin ang original na Theme Song ng Shrek sa youtube lalo kapag makapangyarihang lang ang cellphone gamit mo at hindi desktop or laptop.

Pagkatapos ng lahat, umupo ako sa trono at isinulat ang mga ito.

Martes, Nobyembre 11, 2014

Nasaan si Hustisya?

Nakita nyo ba sya? Babaeng nakahubad, may piring ang mata at may hawak na timbangan. Naghubad sya upang makita ng lahat ang katawan nya at walang maitago. Nagpiring sya upang hindi nya makita ang mga tinitimbang nya. Matagal na syang nawawala eh. Hindi ko alam kung patay na, nakakulong, nabaliw, ginahasa, ninakawan, binaril, tinaga, inagos ng baha, nalalag sa eroplano, nalunod sa dagat, namatay sa gutom, nakursunadahan, nabihag, o nilason. Hindi tiyak eh. Hindi ko rin makita yung lapida nya kung sakaling patay na sya. Hindi pa rin naman nakikita yung bangkay nya. Hindi ko rin matiyak kung nagtatago ba sya o tinatago. Hindi ko alam kung nagpapanggap o may pinagtataguan. Hindi ko alam eh. Nung una naman nakatayo lang sya sa gitna ng halamanan. Nasaan na kaya yun?

Minsan si Propeta Jeremias tinanong ang Diyos kung nasaan si Hustisya, ang sabi ng Diyos kay Jeremias, “Kung ikaw ay napapagod sa takbuhan ng mga tao, paano ka mananalo sa takbuhan ng kabayo? Kung hindi ka makatayo sa patag na lugar, paano ka makatatayo sa kagubatan ng Jordan?” (Jer.12:5)

Ngayon, nasaan si Hustisya? Maraming naghahanap kasi sa kanya. Alam ko kamag-anak nya si Pag-ibig eh. Hindi ko lang sigurado kung kapatid. Marami silang magkakamag-anak eh, hindi ko na lang iisa-isahin, baka may makalimutan ako. Ang nanay yata ni Hustisya si Katotohanan at anak nya si Batas. Sila kasi madalas ang hinahanap kapag nagtitimbang si Hustisya. Ang masama, maraming nagpapanggap na Katotohanan at minsan, hinihilo si Batas. Madalas nga may Batas na hindi anak ni Hustisya. Teka, nasaan na rin ba si Katotohanan? Ayun! Nandito pa. Pero bakit ang daming kampon ni Sinungaling? Ingat kayo riyan marami nang naloko yan. Nga pala, kung hindi anak ni Hustisya ang Batas, anak yan ni Sinungaling. Kaya ayun siguro, si Hustisya hindi na natin makita. Ewan ko lang ah. Iniisip ko tuloy na hindi kaya nagtago na lang si Hustisya dahil hindi nya rin magagawa ang trabaho nya ng tama dahil sa mga anak ni Sinungaling? Hindi kaya? Parang malungkot yun ah.

Nakita mo ba si Hustisya? Mapalad ka kung kasama mo sya. Marami kasing naghahanap sa kanya eh. Pakituro naman sa mga naghahanap kung saan mo sya nakita.

Paki-usap.


Salamat!

Lunes, Setyembre 15, 2014

Ang Aklat ng Esther

Note: Bago basahin ang akdang ito, hinihiling ko na tapusin mo munang basahin ang pag-uusapang aklat sa Biblia. Ito ay matatagpuan sa Lumang Tipan. Pinakahuling librong pangkasaysayan. Nasa pagitan ng aklat ni Nehemias at Job.

Isang napakatingding hatol ang nakaamba sa mga Hudyo na nasa Imperyo ng Persya – Kamatayan. Ito ay matapos hilingin ni Haman na papatayin silang lahat dahil kakaiba ang kanilang paniniwala. Nag-ugat ito sa hindi pagyuko ni Mardoquio bilang isang Hudyo sa kanya. Pinagbigyan ito ng Hari dahil masasamsam nila ang kayanaman ng mga Hudyong mapapatay. Nagpalabas sa kaharian ng isang utos para rito na may selyo ng hari at hindi kailanman mababali. Nang malaman ng Hari na Hudyo si Esther – ang kanyang Reynang kinalulugdan – galit na galit ito kay Haman. Pinabitay siya sa bitayang pinagawa nya para sana kay Mardoquio.

Gayunpaman, hindi maaaring bawiin ang pinawalang utos ng hari kahit patay na ang pasimuno nito. Ang hari mismo ay walang kapangyarihan upang bawiin ang nauna nyang ipinalabas na utos. Dahil dito, nagpalabas ng panibagong kautusan ang hari – maaaring magsamasama ang mga Hudyo sa mga bayan at ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Sa ganitong paraan nailigtas ang mga Hudyo sa kamatayan ng hindi sinisira ang naunang kautusan.

Ito ang isa sa pinakamagandang paraan kung paano ipaliwanag ang pagkakaligtas ng Diyos sa Tao. Isang bagay ang totoo – lahat ng tao may kasalanan (Roma 3:23) at walang nakalulugod sa Diyos (Awit 53:2-3). Walang nakasunod ng kautusan kaya’t nakaamba rin sa atin ang kamatayan (Roma 5:12). Naghihintay na lang ng tamang araw kung kailan ang ibibigay ang hatol (Isaiah 13:9). Nakatakda ang kautusan at alin man sa mga ito ay hindi mawawalan ng bisa (Mateo 5:18). Sa madaling salita, sa ating sariling kalagayan, walang pag-asang mabuhay ang tao o makaligtas (Mateo 19:25; Roma 7:24). Anong sabi ng Panginoong Hesus? “Ang hindi magagawa ng Tao ay magagawa ng Diyos.” Mark 10:27

Tulad ng kalagayan ng mga Hudyo sa kwento ng Esther ang kalagayan ng lahat ng tao. Walang pag-asa dahil sa nakatitik na kautusan. Wala ring sinumang maaaring makapagbali ng mga kautusang ito maliban sa parehong kapangyarihan.

Isang dakilang pag-ibig ang kailangan sa lagay ng tao upang maligtas. Maaari tayong hindi pansinin ng Diyos sa ating kalagayan dahil nakatakda na ang kaparusahan. Ngunit pinili ng Diyos na iligtas tayo dahil  sa dakilang pag-ibig Nya sa atin (Juan 3:16). Hindi tayo makalalapit sa Diyos ng tayo lang (Parang si Esther na hindi makalalapit sa harap ng Hari). Kinailangan ng isang taong kinalulugdan upang may makalapit sa harap ng Diyos at hindi mamatay (Tulad ni Esther sa harap ng Hari). Ngunit walang kalugudlugod sa Diyos, kahit mga Pari na dapat malinis sa nagsusunog ng alay (Hosea 4:6). Sino lang? Ang Panginoong Hesus lang! (Luke 3:22) Sa paanong paraan? Sa pamamagitan ng pagsunod ng Panginoon sa kautusan (Mateo 5:17) – hanggang sa kamatayan sa krus (Filipos 2:8). Anong kautusan ang kanyang ginawa para sa ikalilinis ng tao? Ang pagbubo ng dugo (Leviticus 16:15-16;17:11) – ng kanyang sariling Dugo para sa kasalanan ng maraming tao (Hebreo 9:13-14;28).

Sa pamamagitan ng paraang ginawa ng Diyos, naligtas ang tao. Sa pamamagitan ng Kautusan, nakaamba ang kahatulan ng kamatayan sa tao, ngunit ang “hindi kayang gawin ng tao ay kaya ng Diyos”. Bagamat tayo ang may kasalanan, Sya ang gumawa ng paraan upang tayo ay magkaroon ng kaligtasan. Pag-ibig.
Ito ang kasaysayan ng pagkakaligtas sa mga Hudyo sa Aklat ng Esther. Basahin natin ang buong aklat ng Salita ng Diyos ng may panalangin at malalaman natin ang kasaysayan ng pag-ibig at pagliligtas ng Diyos sa atin. Nakakatuwang isipin na ika-12 buwan ng ika-14 at 15 araw ipinagdiriwang ng mga Hudyo ang pagliligtas sa kanila ng Diyos mula sa kapahamakan. Tayo namang mga Kristiano, ipinagdiriwang natin ang pag-ibig ng Diyos at pagtupad ng kanyang pangako ng ika-25 araw ng ika-12 buwan ng taon (na sa ating mga Filipino ay sinisimulan tuwing ika-16 ng ika-12 buwan).


Ano ngayon ang ibig ng Diyos sa tao? Pag-ibig (Hosea 6:6).

Tukso

Bago magpasimula sa kanyang pangangaral, ang Panginoong Hesus ay nag-ayuno at tinukso ng Diyablo. Sa talong bagay sya tinukso: (1.) “Gawin tinapay ang mga bato.”; (2.) “Magpatihulog dahil sabi sa kasulatan, ‘sasaluhin ka ng mga Angel.’”; at (3.) “Ibibigay ko sayo ang kayamanan at kapangyarihan sa lahat ng mga kaharian.” Sa lahat ng ito, ang Panginoong Hesus ay nagtagumpay at sa huli ay nilisan sya ng Diablo. Ginamit nya ang espada ng Espiritu – ang salita ng Diyos – upang matalo ang kaaway, bagama’t may ganitong baon rin ang kalaban.
Sa panahon ngayon, sa mga lingkod ng Panginoong Hesus, patuloy tayong tinutukso sa pamamagitan ng mga bagay na mahina tayo – sa tatlong bagay na ginamit ng kaaway sa Panginoong Hesus. Pag-usapan natin ang karaniwang mga pangyayari sa ating buhay na maaaring Diyablo ang nagbubunsod sa atin upang malaglag sa mga bitag ng tukso.

A. “Gawin tinapay ang mga bato”
Nang mga panahong ito, katatapos lang mag-ayuno ang Panginoong Hesus. Apat na pung araw at apat na pung gabi. Naranasan mo na bang mag-ayuno ng kahit isang araw lang? Ikumpara mo ito sa pag-aayuno ng mahigit sa isang Buwan. Alam mo kung ano ang nararanasan ng Panginoong Hesus.
Ang Diyablo ay naghihintay ng magandang pagkakataon. Pangangailangan ng ating katawan ang isa sa unang pinupuntirya dahil mahina tayo rito. Anu-ano ba ang mga pangangailangan ng katawan? Kung may makakasagot man nyan, ikaw iyon dahil nadarama mo iyan bilang tao. Kung hindi mo alam, may mga sinasabing pangangailangang pangkatawan si Dr. Abraham Maslow, nasa iyo kung maniniwala ka.
Sa paanong paraan natutukso ang tao sa katawan? Alam kong alam mo rin iyan. Bigay lang ako ng ilang halimbawa: Pagkain – may mga kumakapit sa patalim para lang makakain, may mga kumakapit sa patalim para makabili ng masarap na pagkain, may mga sumusobra sa masasarap na pagkain, etc. Inumin – hindi naman talaga masamang uminom ng alak, ang masama ay paglalasing. Pagtulog – Linggo ng umaga ang karaniwang pananambahan ng sama sama, ngunit dahil sa daming ginawa ng Sabado – araw dapat ng pamamahinga – pagod at hindi makatayo ng Linggo.
Maraming iba pa. Ikaw nakadarama sa iyong katawan. Anu-ano pa ba ang nagtutulak sayo, sa mga pangangailangang pisikal ng katawan, upang magkasala? Kapag wala sa lugar at kapag sobra, ito ay tukso na dapat labanan.

B. “Magpatihulog. Dahil sabi sa kasulatan, ‘sasaluhin ka ng mga Angel.’”
Matindi ang panunukso na ito – ginamit ng Diablo ang Salita ng Diyos. Katulad ng nabanggit na kanina, may mga mabubuting bagay na kapag wala sa lugar, ito ay masama. Ano ba ang implikasyon nito? Bakit kailangang ipakita sa Diyablo ang katotohanan ng Salita ng Diyos? Bakit kailangang subukin ang katotohanan ng Salita ng Diyos?
Una sa lahat, kung Diyablo ang nagsasalita, kahit pa mula sa Salita ng Diyos ang kanyang mga sinasabi, wag kang makinig. Tiyak kasinungalingan ang sinasabi nito. Wag kang papadaya. Marami nang nadaya ang Diablo na naging sanhi ng kapahamakan ng mga nadaya at ng mga nadamay nito. Matuto tayo sa pagkakamali ng iba.
Pangalawa, tayo ay nabubuhay sa pananampalataya. To believe is to see. Maniwala ka at makikita mo. Hindi kailangang patunayan ng Diyos sayo ang lahat kung hindi ka pa naniniwala. Maniwala ka muna at patutunayan ng Diyos. Maniwala ka at mararanasan mo. Sa bingit ng kamatayan ay hindi ka matatakot kapag naranasan mo na ang buhay na kasama ang Diyos dahil walang pagkakaiba ang mamatay at ang mabuhay.

 C. “Ibibigay ko sayo ang kayamanan at kapangyarihan sa lahat ng mga kaharian.”
Kung maraming nalalaglag sa dalawang nauna, mas maraming nalalaglag sa pangatlong ito. May mga taong nakakalampas sa unang dalawa ngunit natatalo rito. Tandaan natin na ang hindi panig sa atin ay kalaban natin. Ang hindi tumutulong mag-ipon ay hindi natin kasama. Hindi tayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa salapi. Ang pag-ibig sa salapi ay ang bunga ng lahat ng mga kasalanan. Ano ba ang nagtutulak sayo sa paglilingkod sa Diyos? Dahil ba sa salapi?
Dalawang bagay ito. Salapi at kapangyarihan. Kapag mayroon ka ng isa sa mga iyan, makukuha mo ang pangalawa. Hindi masama ang salapi kung tinitingnan natin ng tama. Bakit gusto nating yumaman? Para hindi magkulang at magkaroon ng kapangyarihan? Bakit gusto nating magkaroon ng kapangyarihan? Para magkaroon ng kayamanan o sanggalang at hindi mapahamak kahit saan? Bakit? Nasaan ang pananampalataya? Anu ano ba ang maaari mong iwan para makuha ang kayamanan at kapangyarihan? ‘tol, uubos yan ng iyong panahon at lakas. Bilin ng Diyos na ibigin Sya ng buong puso, lakas, at isip. Ano ngayon ang gumugulo sa isip mo? Baka higit na riyan ang pagtingin mo kaysa pagtingin mo sa Diyos. Baka ang oras na ginugugol mo riyan ay higit na sa oras na niloob ng Diyos. Baka higit na iyan ang pangunahin para sayo sa pila kaysa sa Diyos. Baka mapahamak ka nyan at mapabilang sa mga naunang nalaglag sa ganitong uri ng tukso.
Kapag ang ilang mga bagay ay nilagay natin sa ating isip na higit sa Diyos, yun na ang ginagawa nating diyos ng atin buhay. Wala itong pinagkaiba sa pagyuko natin sa Diablo para ibigay ang kayamanan at kapangyarihan. Uulitin ko lang, hindi masama ang salapi o ang kapangyarihan. Nasa pagtanaw natin iyan.

Paglalagom. Sa bandang huli, Diyos lang nakakakita ng iyong puso. Ikaw lang at ang Diyos ang nakaaalam kung nalaglag ka sa tukso. Sa lahat ng iyan, dapat gawin nating pangunahin ang Diyos. Isipin natin ang mga bagay na darating o ang buhay na walang hanggan kasama ang Diyos sa halip na mga bagay na pansamantala lang dito sa lupa. Ingat tayo sa mga pangako ng pag-asa na hindi totoo. Palaging ang Diyos ang ating pag-asa. Sa kasaganahan o kakulangan, sa kasiglahan o sakit, sa kalayaan o pagkakulong, sa buhay o sa kamatayan. Wag nating hayaang mas kabisado ng Diablo ang Salita ng Diyos kaysa sa atin dahil tiyak matatalo tayo sa tukso. Lagi nating patalasin ang espada ng Espiritu – ang Salita ng Diyos – na sumasaatin upang magtagumpay tayo sa tukso na gawa ng mali maling turo na ginagamit ng kalaban. Mabuti ang lahat ng nagmula sa Diyos, ngunit ito ang ginagamit ng kalaban upang tuksuhin tayo. Ingat ingat! “Ang manatiling tapat hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”

Sabado, Setyembre 6, 2014

Nang Ipinanganak ang Awa

May isang batang musmos ang naglalaro ng sisiw sa kanilang bakuran. Hindi nya alintana ang hirap na pinagdaraanan ng sisiw sa kanyang kamay. Giniginaw ito sa lamig dahil binasa ng tubig, hindi na ito makalakad ng tuwid dahil sa pilay na dala ng binagsak ito mula sa upuan, maraming galos dala ng pambabangga ng maliit na sasakyan dito. Patuloy ang iyak ng sisiw na di nauunawaan ng bata. Siguro nagtatanong ang kaawaawang sisiw kung bakit sya napasakamay ng bata. Hindi sya nagkaroon ng pagkakataon upang makasama kahit sandali ang kanyang inahin. Maging ang kanyang tatay, hindi nya na ito nakuhang makilala. 

Matapos ang isang malakas na bayo ng pagbangga sa sisiw, huminto ito sa pag-iyak. Pumipitikpitik ang mata. Tiningnan ito ng bata. Anong nangyayari sa sisiw? Anong nangyayari sa aking side kick matapos naming makipaglaban sa mga magnanakaw, lumipad mula sa mataas na gusali, Lumangoy sa malalim at malamig na dagat? Dito na ba matatapos ang aming magkasamang pakikipagsapalaran? Nagtagumpay kami, ngunit namatay naman ang kasama ko. Biglang nawala ang bata sa kanyang balintataw. "Anong nangyayari sa kaibigan ko?" 

Maya maya, tumakbo ang bata papasok ng bahay. Umiiyak tulad ng sisiw kanikanina lang.

"Nay, tulungan nyo po yung kaibigan kong sisiw... Mukhang mamamatay na... Waaaah! Kawawa naman sya..."

Huwebes, Agosto 7, 2014

Bakit Hindi ko Kailangan ng Facebook

Maraming nagtatanong kung bakit wala akong Facebook. Madalas ang pabiro kong sagot ay bawal sa Religion ko para lang matapos ang usapan. Pero ito ay nasusundan na lang ng  kasunod na tanong, "Ano ba Religion mo?" pagkatapos ma-re-realize ng kausap mo na walang religion ang nagbabawal ng FB (wala nga ba?) Paano kung kasama mo sa simbahan ang nagtatanong sayo? Ito ay madalas mangyari sa akin. Isinasagot ko pa rin yung sagot ko sa itaas then malalaman nyang niloloko ko lang. Ang kasunod kong sagot ay, "May tinataguan ako." sabay tawa. Minsan naman sinasabi kong "Personal choice." pagkatapos ay medyo mahabang paliwanagan sa pagbibenta sa akin ng Facebook. At the end of the day, hindi ko pa rin bibilhin.

Sige, para isahan na lang. Ito ang mga personal kong dahilan kaya ayaw kong mag-fb:

  1. Sayang ang oras. Tsismoso ako. Mahilig ako sa Biography ng mga tao. May tendency ako na ma-hook sa update ng lahat ng kaibigan ko sa Social Network katulad ng nangyari sa akin sa Friendster. So dahil dun, nakilala ko ang sarili ko at hindi bagay sa akin ang Social Networking. Sayang ang oras. Kung hindi ko kayang masupil ang sarili ko rito, mas gugustuhin ko na lang na hindi magsimula.
  2. Redundant ang Social Networking. May e-mail account ako. Dun nyo na lang ako send-an ng message at document. Sa tingin ko yun ang mas professional way of communicating. Kung in-e-mail nyo ako, automatic sa e-mail account ko iyon at hindi sa FB account. Nagkakalituhan dahil sa redundant na function. Kung kaya na ng e-mail ang mag-send ng Document at message, para saan pa ang FB?
  3. Hindi ko kailangan malaman ang pang-araw-araw na pamumuhay ng aking mga kaibigan, hindi ko rin kailangang isigaw sa mundo ang araw-araw na update ng buhay ko. Mas gusto kong makipag-kwentuhan ng personal sa mga kaibigan ko or makipag-penpal sa kanila gamit ang e-mail. Kung may FB ako, wala na tayong mapag-usapan kapag nagkita tayo dahil alam na natin ang mga basic update ng pareho nating buhay. Mas exciting kung marami tayong mapag-usapan lalo na kung personal. Hindi natin yun magagawa kung alam na natin ang updates sa isa't isa.
  4. Iwas away. Maraming iba't ibang kaisipan ang naglipana sa FB. Hindi totoo lahat at hindi lahat tama. Hindi lahat dapat patulan pero papatulan ko lalo na ang mali. Dahil dito, maaaring sa paghahangad ko na maitama ang mali, maging mali ako. "Prevention is better than cure." "If you can't beat them, don't start a fight." Makakaiwas ako kung hindi ko na lang sisimulan.
  5. Information Overload. Sabi ng mga nagtitinda sa akin ng Facebook, marami raw akong malalaman sa FB. Hindi ko kailangan malaman lahat. Tulad ng sinabi ko kanina maraming hindi totoo sa FB. Totoo man, hindi ko kailangan malaman lahat, "Hanggang lumalawak ang kaalaman ay dumarami ang alalahanin, at habang dumarami ang nalalaman ay lalong tumitindi ang sakit." - Mangangaral 1:18
Sa tingin ko kung dahilan lang ang kailangan, ang isa ay sapat na. Pero sa mga taong hindi kumbinsido, ang lima ay kulang pa. Hindi ko rin kailangan i-please ang lahat. Kung ano nabasa mo yun na yun. Sabi nga ni Pilato, "ang naisulat ko'y naisulat ko na." - Juan 19:22

Miyerkules, Hulyo 16, 2014

DIARY

Dear Diary,

Gusto kong magkwento sayo, kaya lang ipangako mo na tayo lang makakaalam nito. Walang bukuhan sa iba ah. Hehehe. Wag mo akong ipagkanulo. Anyways, tungkol ito sa mga nilalaman ng isip ko na paulit-ulit na tumatakbo at paroo't parito. Grabe, gustong kumawala sa isip ko pero wala akong mapaglagyan, walang ibang matatakbuhan. Patatakbuhin ko na sana sa mga kwaderno na nagkalat sa kwarto ko pero hindi ako makahanap ng tulay kung paano sila makakagala roon. Hindi ko alam kung ang problema ba eh yung mga patakbu-takbo na yun o yung tulay mismo, hirap din kasi gawin yung tulay eh. Yung tulay kailangan sisimulan sa deck slab: Dead Loads at yung Live Load na kailangang ina-Analyze gamit ang moving loads. Grabe, ibang iba ang perspective sa paggawa nito compare sa paggawa ng bahay. Sa bahay simple lang pero ito, kung anu-ano ang dapat i-consider. Teka balik ako sa tulay, after ng deck slab, yung beam naman. Moving load ulit. then coffing beam, column, at yung foundation. Minsan kailangan pa naka-pile. Hayyyyy....

Bweno, sa madaling salita, nasa ulo ko pa yung mga nagtatakbuhan. Salamat sa Diyos nakita kita, oh Diary ko. Sa tingin ko makakatulong ka para sayo na lang tumakbo ang ilan sa kanila. Hehehehe. Wag kang maingay ah.. Tayo lang nakakaalam nyan.

Jogging tayo minsan Dre.

Boyong
April 1, 2014