Mga Pahina

Lunes, Setyembre 15, 2014

Tukso

Bago magpasimula sa kanyang pangangaral, ang Panginoong Hesus ay nag-ayuno at tinukso ng Diyablo. Sa talong bagay sya tinukso: (1.) “Gawin tinapay ang mga bato.”; (2.) “Magpatihulog dahil sabi sa kasulatan, ‘sasaluhin ka ng mga Angel.’”; at (3.) “Ibibigay ko sayo ang kayamanan at kapangyarihan sa lahat ng mga kaharian.” Sa lahat ng ito, ang Panginoong Hesus ay nagtagumpay at sa huli ay nilisan sya ng Diablo. Ginamit nya ang espada ng Espiritu – ang salita ng Diyos – upang matalo ang kaaway, bagama’t may ganitong baon rin ang kalaban.
Sa panahon ngayon, sa mga lingkod ng Panginoong Hesus, patuloy tayong tinutukso sa pamamagitan ng mga bagay na mahina tayo – sa tatlong bagay na ginamit ng kaaway sa Panginoong Hesus. Pag-usapan natin ang karaniwang mga pangyayari sa ating buhay na maaaring Diyablo ang nagbubunsod sa atin upang malaglag sa mga bitag ng tukso.

A. “Gawin tinapay ang mga bato”
Nang mga panahong ito, katatapos lang mag-ayuno ang Panginoong Hesus. Apat na pung araw at apat na pung gabi. Naranasan mo na bang mag-ayuno ng kahit isang araw lang? Ikumpara mo ito sa pag-aayuno ng mahigit sa isang Buwan. Alam mo kung ano ang nararanasan ng Panginoong Hesus.
Ang Diyablo ay naghihintay ng magandang pagkakataon. Pangangailangan ng ating katawan ang isa sa unang pinupuntirya dahil mahina tayo rito. Anu-ano ba ang mga pangangailangan ng katawan? Kung may makakasagot man nyan, ikaw iyon dahil nadarama mo iyan bilang tao. Kung hindi mo alam, may mga sinasabing pangangailangang pangkatawan si Dr. Abraham Maslow, nasa iyo kung maniniwala ka.
Sa paanong paraan natutukso ang tao sa katawan? Alam kong alam mo rin iyan. Bigay lang ako ng ilang halimbawa: Pagkain – may mga kumakapit sa patalim para lang makakain, may mga kumakapit sa patalim para makabili ng masarap na pagkain, may mga sumusobra sa masasarap na pagkain, etc. Inumin – hindi naman talaga masamang uminom ng alak, ang masama ay paglalasing. Pagtulog – Linggo ng umaga ang karaniwang pananambahan ng sama sama, ngunit dahil sa daming ginawa ng Sabado – araw dapat ng pamamahinga – pagod at hindi makatayo ng Linggo.
Maraming iba pa. Ikaw nakadarama sa iyong katawan. Anu-ano pa ba ang nagtutulak sayo, sa mga pangangailangang pisikal ng katawan, upang magkasala? Kapag wala sa lugar at kapag sobra, ito ay tukso na dapat labanan.

B. “Magpatihulog. Dahil sabi sa kasulatan, ‘sasaluhin ka ng mga Angel.’”
Matindi ang panunukso na ito – ginamit ng Diablo ang Salita ng Diyos. Katulad ng nabanggit na kanina, may mga mabubuting bagay na kapag wala sa lugar, ito ay masama. Ano ba ang implikasyon nito? Bakit kailangang ipakita sa Diyablo ang katotohanan ng Salita ng Diyos? Bakit kailangang subukin ang katotohanan ng Salita ng Diyos?
Una sa lahat, kung Diyablo ang nagsasalita, kahit pa mula sa Salita ng Diyos ang kanyang mga sinasabi, wag kang makinig. Tiyak kasinungalingan ang sinasabi nito. Wag kang papadaya. Marami nang nadaya ang Diablo na naging sanhi ng kapahamakan ng mga nadaya at ng mga nadamay nito. Matuto tayo sa pagkakamali ng iba.
Pangalawa, tayo ay nabubuhay sa pananampalataya. To believe is to see. Maniwala ka at makikita mo. Hindi kailangang patunayan ng Diyos sayo ang lahat kung hindi ka pa naniniwala. Maniwala ka muna at patutunayan ng Diyos. Maniwala ka at mararanasan mo. Sa bingit ng kamatayan ay hindi ka matatakot kapag naranasan mo na ang buhay na kasama ang Diyos dahil walang pagkakaiba ang mamatay at ang mabuhay.

 C. “Ibibigay ko sayo ang kayamanan at kapangyarihan sa lahat ng mga kaharian.”
Kung maraming nalalaglag sa dalawang nauna, mas maraming nalalaglag sa pangatlong ito. May mga taong nakakalampas sa unang dalawa ngunit natatalo rito. Tandaan natin na ang hindi panig sa atin ay kalaban natin. Ang hindi tumutulong mag-ipon ay hindi natin kasama. Hindi tayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa salapi. Ang pag-ibig sa salapi ay ang bunga ng lahat ng mga kasalanan. Ano ba ang nagtutulak sayo sa paglilingkod sa Diyos? Dahil ba sa salapi?
Dalawang bagay ito. Salapi at kapangyarihan. Kapag mayroon ka ng isa sa mga iyan, makukuha mo ang pangalawa. Hindi masama ang salapi kung tinitingnan natin ng tama. Bakit gusto nating yumaman? Para hindi magkulang at magkaroon ng kapangyarihan? Bakit gusto nating magkaroon ng kapangyarihan? Para magkaroon ng kayamanan o sanggalang at hindi mapahamak kahit saan? Bakit? Nasaan ang pananampalataya? Anu ano ba ang maaari mong iwan para makuha ang kayamanan at kapangyarihan? ‘tol, uubos yan ng iyong panahon at lakas. Bilin ng Diyos na ibigin Sya ng buong puso, lakas, at isip. Ano ngayon ang gumugulo sa isip mo? Baka higit na riyan ang pagtingin mo kaysa pagtingin mo sa Diyos. Baka ang oras na ginugugol mo riyan ay higit na sa oras na niloob ng Diyos. Baka higit na iyan ang pangunahin para sayo sa pila kaysa sa Diyos. Baka mapahamak ka nyan at mapabilang sa mga naunang nalaglag sa ganitong uri ng tukso.
Kapag ang ilang mga bagay ay nilagay natin sa ating isip na higit sa Diyos, yun na ang ginagawa nating diyos ng atin buhay. Wala itong pinagkaiba sa pagyuko natin sa Diablo para ibigay ang kayamanan at kapangyarihan. Uulitin ko lang, hindi masama ang salapi o ang kapangyarihan. Nasa pagtanaw natin iyan.

Paglalagom. Sa bandang huli, Diyos lang nakakakita ng iyong puso. Ikaw lang at ang Diyos ang nakaaalam kung nalaglag ka sa tukso. Sa lahat ng iyan, dapat gawin nating pangunahin ang Diyos. Isipin natin ang mga bagay na darating o ang buhay na walang hanggan kasama ang Diyos sa halip na mga bagay na pansamantala lang dito sa lupa. Ingat tayo sa mga pangako ng pag-asa na hindi totoo. Palaging ang Diyos ang ating pag-asa. Sa kasaganahan o kakulangan, sa kasiglahan o sakit, sa kalayaan o pagkakulong, sa buhay o sa kamatayan. Wag nating hayaang mas kabisado ng Diablo ang Salita ng Diyos kaysa sa atin dahil tiyak matatalo tayo sa tukso. Lagi nating patalasin ang espada ng Espiritu – ang Salita ng Diyos – na sumasaatin upang magtagumpay tayo sa tukso na gawa ng mali maling turo na ginagamit ng kalaban. Mabuti ang lahat ng nagmula sa Diyos, ngunit ito ang ginagamit ng kalaban upang tuksuhin tayo. Ingat ingat! “Ang manatiling tapat hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento