Nang Ipinanganak ang Awa
May isang batang musmos ang naglalaro ng sisiw sa kanilang bakuran. Hindi nya alintana ang hirap na pinagdaraanan ng sisiw sa kanyang kamay. Giniginaw ito sa lamig dahil binasa ng tubig, hindi na ito makalakad ng tuwid dahil sa pilay na dala ng binagsak ito mula sa upuan, maraming galos dala ng pambabangga ng maliit na sasakyan dito. Patuloy ang iyak ng sisiw na di nauunawaan ng bata. Siguro nagtatanong ang kaawaawang sisiw kung bakit sya napasakamay ng bata. Hindi sya nagkaroon ng pagkakataon upang makasama kahit sandali ang kanyang inahin. Maging ang kanyang tatay, hindi nya na ito nakuhang makilala.
Matapos ang isang malakas na bayo ng pagbangga sa sisiw, huminto ito sa pag-iyak. Pumipitikpitik ang mata. Tiningnan ito ng bata. Anong nangyayari sa sisiw? Anong nangyayari sa aking side kick matapos naming makipaglaban sa mga magnanakaw, lumipad mula sa mataas na gusali, Lumangoy sa malalim at malamig na dagat? Dito na ba matatapos ang aming magkasamang pakikipagsapalaran? Nagtagumpay kami, ngunit namatay naman ang kasama ko. Biglang nawala ang bata sa kanyang balintataw. "Anong nangyayari sa kaibigan ko?"
Maya maya, tumakbo ang bata papasok ng bahay. Umiiyak tulad ng sisiw kanikanina lang.
"Nay, tulungan nyo po yung kaibigan kong sisiw... Mukhang mamamatay na... Waaaah! Kawawa naman sya..."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento