Note: Bago basahin ang akdang ito, hinihiling
ko na tapusin mo munang basahin ang pag-uusapang aklat sa Biblia. Ito ay
matatagpuan sa Lumang Tipan. Pinakahuling librong pangkasaysayan. Nasa pagitan
ng aklat ni Nehemias at Job.
Isang napakatingding
hatol ang nakaamba sa mga Hudyo na nasa Imperyo ng Persya – Kamatayan. Ito ay
matapos hilingin ni Haman na papatayin silang lahat dahil kakaiba ang kanilang
paniniwala. Nag-ugat ito sa hindi pagyuko ni Mardoquio bilang isang Hudyo sa
kanya. Pinagbigyan ito ng Hari dahil masasamsam nila ang kayanaman ng mga
Hudyong mapapatay. Nagpalabas sa kaharian ng isang utos para rito na may selyo
ng hari at hindi kailanman mababali. Nang malaman ng Hari na Hudyo si Esther –
ang kanyang Reynang kinalulugdan – galit na galit ito kay Haman. Pinabitay siya
sa bitayang pinagawa nya para sana kay Mardoquio.
Gayunpaman, hindi
maaaring bawiin ang pinawalang utos ng hari kahit patay na ang pasimuno nito.
Ang hari mismo ay walang kapangyarihan upang bawiin ang nauna nyang ipinalabas
na utos. Dahil dito, nagpalabas ng panibagong kautusan ang hari – maaaring magsamasama
ang mga Hudyo sa mga bayan at ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Sa ganitong
paraan nailigtas ang mga Hudyo sa kamatayan ng hindi sinisira ang naunang
kautusan.
Ito ang isa sa pinakamagandang paraan kung paano ipaliwanag ang pagkakaligtas ng Diyos sa Tao.
Isang bagay ang totoo – lahat ng tao may kasalanan (Roma 3:23) at walang
nakalulugod sa Diyos (Awit 53:2-3). Walang nakasunod ng kautusan kaya’t
nakaamba rin sa atin ang kamatayan (Roma 5:12). Naghihintay na lang ng tamang
araw kung kailan ang ibibigay ang hatol (Isaiah 13:9). Nakatakda ang kautusan
at alin man sa mga ito ay hindi mawawalan ng bisa (Mateo 5:18). Sa madaling
salita, sa ating sariling kalagayan, walang pag-asang mabuhay ang tao o
makaligtas (Mateo 19:25; Roma 7:24). Anong sabi ng Panginoong Hesus? “Ang hindi
magagawa ng Tao ay magagawa ng Diyos.” Mark 10:27
Tulad ng kalagayan ng
mga Hudyo sa kwento ng Esther ang kalagayan ng lahat ng tao. Walang pag-asa
dahil sa nakatitik na kautusan. Wala ring sinumang maaaring makapagbali ng mga
kautusang ito maliban sa parehong kapangyarihan.
Isang dakilang
pag-ibig ang kailangan sa lagay ng tao upang maligtas. Maaari tayong hindi
pansinin ng Diyos sa ating kalagayan dahil nakatakda na ang kaparusahan. Ngunit
pinili ng Diyos na iligtas tayo dahil sa
dakilang pag-ibig Nya sa atin (Juan 3:16). Hindi tayo makalalapit sa Diyos ng
tayo lang (Parang si Esther na hindi makalalapit sa harap ng Hari). Kinailangan
ng isang taong kinalulugdan upang may makalapit sa harap ng Diyos at hindi
mamatay (Tulad ni Esther sa harap ng Hari). Ngunit walang kalugudlugod sa Diyos,
kahit mga Pari na dapat malinis sa nagsusunog ng alay (Hosea 4:6). Sino lang?
Ang Panginoong Hesus lang! (Luke 3:22) Sa paanong paraan? Sa pamamagitan ng
pagsunod ng Panginoon sa kautusan (Mateo 5:17) – hanggang sa kamatayan sa krus
(Filipos 2:8). Anong kautusan ang kanyang ginawa para sa ikalilinis ng tao? Ang
pagbubo ng dugo (Leviticus 16:15-16;17:11) – ng kanyang sariling Dugo para sa
kasalanan ng maraming tao (Hebreo 9:13-14;28).
Sa pamamagitan ng
paraang ginawa ng Diyos, naligtas ang tao. Sa pamamagitan ng Kautusan, nakaamba
ang kahatulan ng kamatayan sa tao, ngunit ang “hindi kayang gawin ng tao ay
kaya ng Diyos”. Bagamat tayo ang may kasalanan, Sya ang gumawa ng paraan upang
tayo ay magkaroon ng kaligtasan. Pag-ibig.
Ito ang kasaysayan ng
pagkakaligtas sa mga Hudyo sa Aklat ng Esther. Basahin natin ang buong aklat ng
Salita ng Diyos ng may panalangin at malalaman natin ang kasaysayan ng pag-ibig
at pagliligtas ng Diyos sa atin. Nakakatuwang isipin na ika-12 buwan ng ika-14
at 15 araw ipinagdiriwang ng mga Hudyo ang pagliligtas sa kanila ng Diyos mula
sa kapahamakan. Tayo namang mga Kristiano, ipinagdiriwang natin ang pag-ibig ng
Diyos at pagtupad ng kanyang pangako ng ika-25 araw ng ika-12 buwan ng taon (na
sa ating mga Filipino ay sinisimulan tuwing ika-16 ng ika-12 buwan).
Ano ngayon ang ibig ng
Diyos sa tao? Pag-ibig (Hosea 6:6).